Philippine Folktales Read online

Page 2


  ANG KUWENTO NG MGA DALIRI

  Ikinuwento ni Leopoldo Uichanco,

  isang Tagalog mula sa Calamba, Laguna.

  “Bakit po,” ang tanong ni Antonio sa kaniyang lolo, isang araw, “nakahiwalay sa apat pang ibang daliri ang hinlalaki natin?”

  “Ngayong panahon lang natin ’yan,” sagot ni Tandang Julian. “Noong unang panahon, magkakatabi sa iisang lugar ang mga daliri ng mga ninuno natin. Isang araw, sobrang nagutom ang hinliliit at humingi siya ng pagkain sa katabing daliri.”

  “O kapatid!” sagot ni Palasingsingan, “gutom din ako. Saan nga ba tayo kukuha ng makakain?”

  “Maunawain ang langit,” sabi ni Hinlalato, upang pagaanin ang loob ng dalawang kapatid. “Bibigyan din tayo ng langit ng marami.”

  “Subalit kapatid na Hinlalato,” pagtutol ni Hintuturo, “paano kung hindi magbigay ng pagkain sa atin ang langit?”

  “Kung gano’n,” sabad ni Hinlalaki, “magnanakaw tayo.”

  “Magnanakaw?” ulit ni Hintuturo. Hindi talaga siya nasiyahan sa payo niyang ito. “Sana naman alam ni Ginoong Hinlalaki na hindi niya dapat gawin ’yan!”

  “Masama ’yan, Hinlalaki,” sabay-sabay na sabi ng tatlo. “Ang idea mo ay labag sa moralidad, labag sa Diyos, labag sa sarili mo, at laban sa lahat. Hindi papayagan ng ating konsensiya na tayo ay magnakaw!”

  “O, hindi, hindi!” Galit na galit na sagot ni Hinlalaki. “Maling-mali kayo, mga kaibigan! ’Diba ninyo man lang naisip kung gaano kayo kauto-uto para kalabanin ang balak ko? Masama bang iligtas ang buhay n’yo at ang sa akin?”

  “Ay naku, kung yan ang balak mo,” sabi ng apat na daliri, “gawin mo kung ano man ang gusto mong gawin. Para sa amin, mas gugustuhin pa naming magutom at mamatay kaysa magnakaw.”

  Nang oras na iyon, itinaboy ng apat na magkakapatid si Hinlalaki palabas ng kanilang komunidad dahil sa labis na kahihiyan. Wala na sila naging ugnayan sa kaniya mula noon.

  “Kaya nga,” pagwawakas ni Tandang Julian, “makikita natin na nakahiwalay si Hinlalaki sa apat pa nating daliri. Magnanakaw siya. Ang apat naman na mababait ay hindi na ginusto pang makasama siya sa buhay. Si Hinliliit naman, dahil kulang sa pagkain, ay makikita natin ngayon na payat at nanlalambot.”

  ANG PITONG KUBA

  Ikinuwento ni Teofilo Reyes, isang Tagalog mula sa Maynila.

  Minsan, may pitong magkakapatid na kuba na magkakamukha. Pangit man ang mga kuba, meron namang isa pa ring dalaga na nagmahal at nagpakasal sa isa sa kanila. Mahal ng babae ang asawa niya, ngunit napakadamot niya. Hanggang sa dumating ang panahon na kinailangan nang umasa ng mga binatang kuba sa kubang may asawa para sa pagkain nila. Hindi ito nagustuhan ng asawa. Pagkalipas ng ilang araw, lalong tumindi ang galit niya. Kaya nagbalak ito na patayin ang lahat ng mga bayaw niya.

  Isang araw, habang nasa malayo at nagtratrabaho ang asawa niya, pinatay niya ang anim na magkakapatid. Pagkaraan, umupa siya ng tao para pumunta at ilibing ang mga bangkay. Sinabi niya rito na isang bangkay lang ang ililibing dahil may balak siyang lokohin ito. Nang mailibing ang isa sa mga katawan, bumalik siya upang kunin ang bayad sa kaniyang natapos na trabaho. Ngunit bago makapagsalita ang lalaki, pinagalitan siya ng babae dahil sa paglilibing sa bangkay sa maling lugar. “Tingnan mo ito,” sabi ng babae habang itinuturo ang bangkay ng pangalawang kapatid. “Hindi mo pinagbuti ang trabaho mo. Ilibing mo uli ang katawang ito. Tandaan mo, hindi kita babayaran hanggang hindi mo naililibing ang taong ito at mapanatili siya sa ilalim ng lupa.”

  Kinuha ng lalaki ang pangalawang bangkay at inilibing niya ito. Subalit pagbalik niya, naroon na naman ito. Kaya inulit niya ang ginawa niya, paulit-ulit hanggang sa naisip niya na anim na ulit niyang nailibing ang parehong bangkay. Subalit pagkalibing ng ikaanim o ang huling kuba, umuwi ang may-asawang kuba sa kanilang bahay mula sa trabaho. Nang makita ng tagahukay ng libingan ang kubang ito, agad-agad niya itong sinunggaban at pinatay sa pag-aakalang siya pa rin ang lalaki na inilibing niya na nang maraming ulit.

  Nang malaman ng masamang babae na ang mismong asawa niya ang napatay, namatay din siya sa pagkasawi ng puso.

  KUNG BAKIT LAYLAY ANG BALAT SA LEEG NG BAKA

  Ikinuwento ni Francisco M. Africa.

  Minsan, may isang mahirap na magsasaka na nagmaymay-ari ng isang baka at isang kalabaw. Ang dalawang ito lang ang kayamanan niya. Araw-araw dinadala ang mga ito sa bukid upang mag-araro. Pinagtatrabaho niya nang sobra ang kaniyang mga alagang hayop kaya madalas silang magreklamo sa kaniya. Subalit hindi sila pinakikinggan ng malupit na amo. Isang araw napagod na sa ganoong uri ng buhay ang baka, sinabi niya sa kalabaw, “Layasan na natin ang masamang tao na ’yan. Kahit napakarumi na natin, hindi man lang tayo pabayaang maligo. Kapag mananatili tayo rito kasama siya, matutulad tayo sa mga baboy na pangit at marurumi. Subalit kung lalayasan natin siya, mapipilitan siyang gawin ang sarili niyang trabaho. Makababawi na tayo. Bilisan mo! Alis na tayo!”

  Nabuhayan ng loob ang kalabaw. Lumundag siya at umatungal nang malakas, at sinabi, “Matagal na rin akong nag-iisip na tumakas, subalit nagdadalawang isip ako dahil sa takot na baka ayaw mong sumama sa akin. Baka kaawaaan na tayo ng Diyos sa sobrang pagmamaltrato sa atin ng ating amo. Halika na! Alis na tayo!”

  Umalis agad ang dalawang hayop. Tumakbo sila nang mabilis sa abot ng kanilang makakaya at pilit na umiwas sa mga tao. Pagsapit sa isang ilog, sabi ng baka, “Napakarumi natin, maligo muna tayo bago magpatuloy sa pagtakas. Napakalinis at linaw ng tubig sa ilog. Sandali na lang ay magiging mas malinis pa tayo kaysa noong bago tayo kunin ng ating napakasamang amo.”

  Sumagot ang kalabaw. “Tumakbo pa tayo nang mas malayo, baka sinusundan na tayo ng ating amo. Isa pa, pagod na pagod na tayo. May nagsabi sa akin noon na masama sa kalusugan ang paliligo kapag pagod.”

  “Huwag kang maniniwala diyan,” sagot ng baka. “Napakalaki ng katawan natin, kaya hindi tayo dapat matakot sa sakit.”

  Sa wakas, napapayag ng baka ang kalabaw. Sabi niya, “Sige, hubarin natin ang mga damit natin bago lumusong sa tubig!”

  Naghubad na nga ang dalawang hayop saka lumundag sa malalim at malamig na ilog. Mag-iisang oras na sila sa tubig nang matanaw nila na papunta sa kanila ang amo nila na may dalang malaking patpat. Tumakbo sila papunta sa kanilang mga damit. Sa pagmamadali, naisuot ng kalabaw ang damit ng baka at naisuot naman ng baka ang sa kalabaw. Nang nakabihis na sila, ipinagpatuloy nila ang mabilis nilang pagtakas. Sapagkat pagod na pagod na ang kanilang amo, nagpasiya ito na tumigil na sa paghabol at umuwi itong bigo.

  Dahil sa higit na malaki ang kalabaw kaysa sa baka, naging maluwag ang balat sa leeg ng baka mula noon. At sapagkat nagkalayo ang dalawang magkaibigan, hindi na nila kailanman naibalik ang damit ng isa’t-isa. Samantala, dahil sa pagkakamali ng bihis na damit ng dalawang hayop, naging mahigpit naman ang balat sa leeg ng kalabaw.

  ANG PAGLILITIS SA MGA HAYOP

  Ikinuwento ni Domingo Pineda ng Pampanga.

  Noong unang panahon, nakatira si Sinukuan, ang hukom ng mga hayop sa isa sa mga kuweba sa Bundok Arayat. Nakatira siya dati sa isang lugar malapit sa bayan. Subalit dahil sa sobra ang tapang at lakas niya, nagsimula siyang kainggitan ng mga tao hanggang sa siya ay layuan.

  Dumating ang panahon na marami nang naging pagtatangka sa buhay niya. Bunga nito, isinuko niya ang lahat ng ari-arian at mga kaibigan niya sa bayan at nagpunta siya sa Bundok Arayat. Dito niya inilaan ang lahat ng kaniyang oras upang kaibiganin ang mga hayop.

  Hindi na mahirap para kay Sinukuan na makuha ang pagmamamahal ng mga hayop. May kapangyarihan siyang baguhin ang anyo niya sa kung ano man ang naisin niya. At palagi niyang ginagaya ang anyo ng hayop na nagpupunta sa kaniya.

  Hindi nagtagal, nalaman ng lahat ng mga hayop ang kapangyarihan, katalinuhan, at pagiging makatarungan ng kanilang mabait na kaibigan kaya siya ang ginawa nilang hukom.

  Isang araw, sa hukuman ni Sinukuan, dumating ang isang ibon. Hiniling niya kay Sinukuan na parusahan ang palaka sapagkat napakaingay nito sa gabi kung kailan gusto na niyang matulog. Ipinatawag niya ang mapanggulong palaka at tinanong kung ano ang dahilan ng kaniyang masamang asal. Mapagkumbaba na sumagot ang palaka, “Umiiyak
lang ako para humingi ng tulong dahil natatakot ako sa pagong na may dala-dalang bahay sa kaniyang likod. Baka ako malibing sa ilalim nito.”

  “Sapat na ’yang dahilan,”sabi ni Sinukuan. “Malaya ka na.”

  Sumunod na ipinatawag ang pagong sa hukuman ni Sinukuan. Pagdating niya, mapagkumbaba niyang sinagot ang tanong ng hukom. “Kagalang-galang na hukom, dala-dala ko ang aking bahay sapagkat natatakot ako sa alitaptap. Naglalaro siya ng apoy at natatakot ako na baka masunog niya ang bahay ko. Hindi ba tama na protektahan ninuman ang bahay niya laban sa sunog?”

  “Napakagandang katwiran. Malaya ka na,” sabi ni Sinukuan.

  Sa parehong paraan, kinabukasan ay dinala sa hukuman ang alitaptap. Nang tanungin siya ng hukom kung bakit siya naglalaro ng apoy, mahina niyang sinabi, “Sapagkat wala akong ibang paraan para protektahan ang sarili ko laban sa matalim at matulis na punyal ng lamok.” Tila ito ay makatwirang sagot kaya napalaya rin ang alitaptap.

  Sa bandang huli, nilitis ang lamok. Sapagkat hindi siya nakapagbigay ng magandang paliwanag sa pagdadala niya ng punyal, hinatulan siya ni Sinukuan na mabilanggo sa loob ng tatlong araw. Napilit niya na sumunod ang lamok. At sa panahon ng kaniyang pagkakakulong, naglaho ang boses niya. Simula noon, ang lalaking lamok ay nawalan ng boses. Takot na rin siyang dalhin ang punyal niya dahil natatakot siya sa higit na mabigat na parusa.

  ANG DI-PANTAY NA LABAN: O KUNG BAKIT HATI ANG KUKO NG KALABAW

  Ikinuwento ni Godofredo Rivera,

  isang Tagalog mula sa Pagsanjan, Laguna.

  Minsan nagkasalubong ang kalabaw at ang pagong sa daan. Naglakad sila sa kagubatan at nagkaroon ng magandang pag-uusap. Ang pagong ay komikero, at madalas magpamalas ng kaniyang galing sa pagkuha ng pagkain na may halong pandaraya. Gustong-gusto niya maging kaibigan ang kalabaw sapagkat naisip niya na kapag naging magkaibigan sila, ang malaking hayop na ito ang tutulong sa kaniya sa tuwing mapapaaway siya. Kaya sinabi niya sa kalabaw, “Magsama na tayo sa isang tirahan at sabay maghanap ng makakain. Sa ganitong paraan, matitigil ang pagkabagot natin sa buhay mag-isa.”

  Subalit suminghal ang kalabaw sa mungkahi niya. Sumagot ito, “Ikaw na makupad! Kung gusto mo, doon ka mamuhay kasama ang mga utusang bubuyog, at hindi ang isang tulad kong mabilis at malakas.”

  Masyadong nasaktan ang pagong. Upang makabawi, hinamon niya sa isang karera ang kalabaw. Noong una, ayaw tanggapin ng kalabaw ang hamon. Naisip niyang lalabas siyang kahiya-hiya kung makikipagkarera siya sa isang pagong. Sinabi ng pagong sa kalabaw, “Kung hindi ka makikipagkarera sa akin, ipapamalita ko sa buong kagubatan, kakahuyan, at kabundukan, at sasabihin ko sa lahat ng mga kasamahan mo at mga kaibigan ko, at sa buong kaharian ng mga hayop na duwag ka.”

  Dahil dito nakumbinsi din ang kalabaw, at sinabi niya, “Sige, bigyan mo lang ako ng tatlong araw para paghandaan ang karera.”

  Masayang-masaya naman ang pagong na naurong nang tatlong araw ang karera. Dahil dito, mapaghahandaan din niya ang mga plano niya. Napagkasunduan ng pagong at kalabaw na paabutin ang karera hanggang sa pitong burol.

  Kaagad-agad na binisita ng pagong ang pito sa kaniyang mga kaibigan. Sinabi niya sa kanila na kapag nanalo siya, para ito sa karangalan ng kaharian ng mga pagong. Nangako naman sila na tutulungan siya. Kinabukasan, ipinuwesto niya ang isang pagong sa itaas ng bawat burol pagkatapos silang bigyan ng tagubilin.

  Dumating ang ikatlong araw. Kinabukasan, maagang-maagang nagkita ang pagong at kalabaw sa nagpagkasunduang burol.

  Sa isang hudyat, nagsimula na ang takbuhan. Hindi nagtagal, hindi na nakita ng mga mananakbo ang isa’t isa. Pagdating sa ikalawang burol, labis na nagtaka ang kalabaw dahil naroon na at nauna pa sa kanya ang pagong. Sumigaw siya, “Narito ako!” Kaagad namang nawala ang pagong. At sa bawat narating na burol, nauuna talaga sa kaniya ang pagong. Sa ikapitong burol, naisip niya na talo na siya. Lubha siyang nagalit kaya sinipa niya ang pagong. Dahil sa napakatigas ng balat ng pagong, di man lang ito nasaktan. Pero nahati sa dalawa ang kuko ng kalabaw sa lakas ng pagsipa niya. Hanggang ngayon, dala-dala pa rin ng mga kalabaw ang tatak ng hindi makatarungang ginawa ng kanilang ninuno laban sa isa na alam niyang higit na mahina sa kaniya.

  ANG PAGONG AT ANG MATSING

  Ikinuwento ni Eutiquiano Garcia ng Mexico, Pampanga.

  Tanghaling tapat noon. Dahil sa nakasisilaw na init ng araw, napilitang pumunta sa tabing-ilog ang lahat ng mga hayop na mahilig sa tubig tulad ng baboy, kalabaw, at pagong para magpalamig. Sa bahaging iyon ng pampang na may malilim at malaking punongkahoy, nagkakatuwaan ang matsing at ang pagong. Pinag-usapan nila ang nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap. Habang nag-uusap, nakita nila ang isang puno ng saging na lulutang-lutang.

  “Ano sa tingin mo? Di ba makabubuti para sa atin kung kukunin natin ang puno ng saging at itanim ito?” tanong ng matsing.

  “Marunong ka bang lumangoy?” sabi ng pagong.

  “Hindi. Pero ikaw, marunong ka,” sagot ng matsing.

  “Kukunin ko ang puno ng saging,” sabi ng pagong. “Sa kondisyon na maghahati tayo. Hindi lang iyon, pabayaan mo na sa akin mapunta ang itaas na parte na may mga dahon.” Sumang-ayon ang matsing.

  Pero nang madala na sa dalampasigan ang puno, kinuha ng matsing ang parteng may dahon. Ugat lang ang ibinigay niya kay pagong. Hindi na nakalaban sa matsing ang mapagkumbabang pagong. Wala siyang nagawa kundi kunin ang parte niya at dalhin ito sa kakahuyan at itanim. Hindi kataka-taka na namatay ang tanim ng matsing habang ang kay pagong ay nagbunga ng kumpol-kumpol na hinog na saging nang dumating ang tamang panahon.

  Nang mabalitaan ng matsing na hinog na ang mga saging, binisita niya ang kaniyang kaibigang pagong. “Ibibigay ko sa iyo ang kalahati ng mga saging…” sabi ng pagong, “kung aakyatin mo ang puno at kukunin mo para sa akin ang bunga.”

  “Yehey! Sige ba,” sagot ng matsing. Wala pang isang minuto, nasa taas na siya ng puno. Nagtagal siya doon at kinain ang lahat ng kaya niyang kainin. Humihinto lang siya para magtapon ng balat ng saging sa ibaba kung saan naghihintay ang kaniyang kaibigang pagong. Ano ang magagawa ng pagong? Imposible siyang makaakyat.

  “Alam ko na kung ano ang gagawin ko!” sabi ng pagong sa sarili niya. Kumuha siya ng matutulis na patpat at itinanim lahat paikot sa ibaba ng puno. Pagkaraan ay sumigaw siya sa matsing, “Parating na ang mga mangangaso! Parating na ang mga mangangaso!”

  Takot na takot ang matsing kaya lumundag siya pababa sa kagustuhan niyang makatakas. Subalit natusok siya sa mga matutulis na patpat at pagkalipas ng ilang oras, siya ay namatay. Dahil dito nakaganti ang pagong sa madamot na matsing.

  Nang patay na ang matsing, binalatan siya ng pagong. Pinatuyo niya ang karne ng matsing at ibinenta sa iba pang matsing sa paligid. Ngunit, dahil sa hindi maingat na pagbabalat ng pagong, may mga naiwang balahibo ng matsing sa kaniyang katawan. Hinatulan ng mga matsing ang pagong na pumatay sa kapwa nilang matsing kaya dinala nila ito sa kanilang pinuno.

  Nang mapatunayang may kasalanan ang pagong, iniutos ng hari na sunugin siya.

  “Walang masamang maidudulot sa akin ang apoy,” sabi ng pagong. “Nakikita mo ba ang pulang bahagi sa likod ko? Maraming ulit na ako sinunog ng aking ama.”

  “Kung hindi siya nasasaktan sa apoy, tadtarin mo siya nang pira-piraso,” galit na utos ng pinuno ng mga matsing.

  “Wala ring epekto sa akin ’yan,” muling katwiran ng matalinong pagong. “Punong-puno ng pilat ang likod ko. Paulit-ulit akong tinataga ng aking ama noon.”

  “Ano ang puwede nating gawin sa kaniya?” tanong ng mga uto-utong matsing. Hanggang sa nagsalita na ang pinakamagaling na kasama sa pangkat, “Lulunurin natin siya sa lawa.”

  Natuwa ang pagong sa narinig niya sapagkat alam niya na hindi siya mamamatay sa tubig. Subalit nagkunwari siyang takot na takot, at nagmakaawa siya sa mga matsing na huwag siyang itatapon sa lawa. Sinabi niya sa sarili niya, “Nalinlang ko ang lahat ng mga uto-utong matsing na ito.” Agad-agad na dinala siya ng mga matsing sa lawa at itinapon siya doon. Sumisid ang pagong saka niya inilitaw ang ulo niya sa ibabaw tubig. Pinagtawanan niya nang malakas ang mga matsing.

  Dahil dito, naligtas ang buhay ng pagong. Ginamit niya ang ta
lino sa pag-iisip ng paraan kung paano makatatakas.

  SI MARIA AT ANG GININTUANG TSINELAS

  Ikinuwento ni Dolores Zafra, isang Tagalog mula sa

  Pagsanjan, Laguna. Isa raw itong kuwentong Tagalog

  na madalas niyang marinig noong siya ay bata pa.

  Noong unang panahon, may mag-asawang nagkaroon ng anak na nagngangalang Maria. Ngunit, namatay ang kaniyang ina habang paslit pa siya. Makalipas ang ilang taon, umibig ang kaniyang ama sa isang balo na si Juana. Mayroon siyang dalawang anak na babae. Si Rosa ang mas matanda at si Damiana naman ang mas bata. Nang magdalaga na si Maria, pinakasalan ng kaniyang ama si Juana. Tinrato ng dalawang anak niya si Maria na parang isang alila. Kailangang gawin niya lahat ng trabaho sa bahay—magluto ng pagkain, maglaba, at maglinis ng sahig. Puro punit-punit at marurumi ang mga isinusuot niyang damit.

  Isang araw, naisip ni Prinsipe Malecadel na gusto na niyang mag-asawa. Nagdaos siya ng isang sayawan at inimbitahan ang lahat ng mga dalaga sa kaniyang kaharian. Sinabi niyang pinakamaganda sa lahat ang magiging asawa niya.

  Nang malaman nina Damiana at Rosa na imbitado ang lahat ng kababaihan, nag-usap sila kung ano ang damit na isusuot nila sa sayawan. Samantalang ang kawawang si Maria ay nasa ilog at naglalaba ng mga damit. Lungkot na lungkot si Maria at umiiyak sapagkat wala man lang siyang damit na maisusuot para makadalo sa engrandeng kasayahan ng prinsipe. Habang naglalaba siya, nilapitan siya ng isang alimango, at tinanong, “Bakit ka umiiyak, Maria? Sabihin mo sa akin ang dahilan, sapagkat ako ang iyong ina.”